A review by billy_ibarra
Kampuhan by Ma. Cecilia C. De La Rosa

informative medium-paced

4.5

Hindi lamang isang pagpapasilip sa lihim na kampo ng mga rebolusyonaryo ang mga tulang nilalaman ng 𝗞𝗮𝗺𝗽𝘂𝗵𝗮𝗻, bagkus pagpapatuloy ito at pagpapakita ng pang-araw-araw nilang buhay sa larangan. Ipinakikilala ang mga kasama bilang indibidwal ngunit makikita rin ang kanilang kolektibong danas sa paggampan ng gawaing iniatang sa kanila ng Partido. Dito, hindi palaging baril ang kanilang hawak, hindi palaging labanan; marunong din silang magsaya, tumawa, umibig, at maawa maging sa kaaway. 

Matutunghayan din sa koleksiyon ang mga halamang gamot, ang radyo, ang duyan, ang ismagol (tsinelas), ang gitara, ang jacket, ang malong, ang lamesa, ang pugon, ang tent, at ang marami pang bagay na ating nakaliligtaang bahagi pala ng rebolusyon. Napahanga ako sa makata na nagawa niyang iangat ang silbi ng mga bagay na ito para sa mga kadre. Maliban sa mga bagay na nabanggit, naisalaysay rin ng mga taludtod ni Maki ang mga tagumpay at kontradiksiyong naranasan ng mga rebolusyonaryo. Hindi nagtatapos para sa akin ang koleksiyong ito ng tula dahil lagi itong pasulong, laging may tinig na kumakanta ng Awit ng Pag-asa sa gitna ng unos.

[May mga salita o linya na nasa wikang Bikol kung kaya't hinihikayat ang mga mambabasa na magsaliksik para malamang ang ibig sabihin sa likod ng mga ito.]