A review by billy_ibarra
Kalahating Bahaghari by Ricky Lee

hopeful informative medium-paced

5.0

Higit limang dekadang kuwento ng isang pamilya at ng usaping pangkasarian sa Pilipinas sa iba't ibang yugto ng kasaysayan. Punumpuno ang Kalahating Bahaghari ng madilim (at marahas) na naratibo, ngunit palaging nagtatapos sa mga kulay ng bahaghari---bagama't kalahati lang at hindi buo. Madilim, sapagka't isinasalaysay nito ang danas ng sangkabaklaan kung saan palagi silang nililibak, itinuturing na iba, malayo sa normalidad na idinidikta ng lipunan. Ngunit makulay dahil palaging lumalaban, walang-takot, nakikibaka para sa pagkakapantay-pantay. Hindi buo ang bahaghari sapagkat palaging nasa yugto ng pagbabago ang daigdig, pinapanday ng mga danas ng mamamayan, binabaka para sa isang malayang lipunan. Sabi nga ni Sir Ricky sa aklat, "Patuloy pa ang mga pagbabago. Hindi lahat ay naitakda na. Bukás pa ang kahon. May mga hindi pa nakikita sa gitna ng mga espasyo, mga misteryong di magagap, mga kaakuhang wala pang pangalan, mga lugar na hindi kung ano ang isang bagay o tao ay iyon na. Nasa isang mundo tayo ng walang hanggang hiwaga at posibilidad." 

Para ka na ring kumuha ng ED (educational discussion) tungkol sa SOGIE sa nobela ni Sir Ricky Lee: May pagsasakonteksto ng mga usaping pangkasarian, may pagsasakasaysayan, at may tunguhin. Punumpuno ng impormasyon ngunit hindi mo magagawang bitiwan. Hindi ito basta-basta lang pagkukuwento kundi may nais ding makamit para sa komunidad ng LGBTQIA+ na hindi hiwalay na sektor ng lipunan. Bagama't mas bukas na sa usaping pangkasariaan ang lipunan ngayon kumpara noon, laganap pa rin ang homophobia, hate crime, diskriminasyon, misgendering, etc., na mauugat sa umiiral na pyudal na kultura na kailangan nating patuloy na baguhin. 'Ika nga, malayo na pero malayo pa.

Marami pang puwedeng pagkuwentuhan tungkol sa nobela---katulad ng kultura ng mga Tsino, kung ano-anong kanta at pelikula ang nasa loob ng nobela, ang mga tauhan at lugar sa kuwento, pati ang usapin tungkol sa pagsusulat---na iiwan ko na lang sa iba pang mambabasa. Basta ihanda mo na lang ang sarili mo kung babasahin mo ang Kalahating Bahaghari dahil tiyak na bubuhos ang emosyon mo. Puwede kang matawa, bumaha ang iyong luha, magalit, malungkot, sumaya. Tandaan lang na katulad sa kuwento, hindi palaging maliwanag ang langit, naghahatid din ito ng dilim at ng ulan, ngunit sa dulo ay mayroon itong ipinapangakong bahaghari para sa 'yo.