A review by matcha4a
Hu U, Rizal? by Jun Cruz Reyes

5.0

Salamat, Neil (Nakakita sa Booksale pero Hindi Binili), sa pa-giveaway na librong ito!

Bata palang ako, kilala ko na si Pepe. Kaya di na rin bago sa’kin ang pagbabasa ng tungkol sa buhay niya. Kilala ko na siya mula sa tig-kinse pesos na mga aklat pambata hanggang sa required na “Jose Rizal: Ang Pilipino Para sa Pilipino” para sa 3 units na kailangan para makatapos sa kolehiyo. Pati na rin sa mga libro at films na napagsamahan namin sa pagitan ng dalawang panahong ‘yon. Pero kompara sa kanila, ibang-iba ang karanasan na binuo ni JCR sa bagong libro n’yang ‘to.

Dedication page pa lang, hook na agad ako. Hindi boring. Para lang kaming nagka-kape. Kwentuhan lang. Pero punong-puno ng mga detalyeng ni minsa’y ‘di ko natutunan sa mga naunang librong nabanggit ko. Halimbawa, alam ko na kayang makipag-usap ni Rizal sa dalawapu’t dalawang lenggwahe pero ‘di ko alam na sa batang edad, kilala na niya at ginawan pa niya ng busto si Bonaparte. Alam ko na naging myembro siya ng La Solidaridad at La Liga Filipina pero hindi ng mga mala-Dead Poets Society na samahang gaya ng Redencion de los Malayo.

May mga first-time discoveries din na hindi ko na maalis sa isip ko. Gaya ng kung pa’no siya tinanggihan sa Ateneo dahil di nakaabot sa entrance exam. Pati na rin ang mala-Heartstopper na love letter na natanggap niya sa Ateneo. At ang madalas na pag-utang ng best friend n’ya non sa Ateneo rin na makaka-FO rin naman niya paglipas ng panahon. At lalo’t higit ang lahat ng mga pinagdaanan niya—nang mag-isa—bago at matapos mai-publish ang mga nobela n’ya.

Samakatwid, hindi lang siya basta isang bayani na pwedeng kilalanin sa pagkakabisa ng mga petsa, lugar, at significant highlights sa timeline ng buhay niya. Meron siyang mga kawili-wiling karanasan na nagpapakita na totoong tao siya. May nakakatawa, nakakahiya. Meron ding mapapa-hagugol ka na lang sa iyak (o baka ako lang talaga). Kaya totoo yung sinabi ni JCR sa unang chapter ng libro na napatunayan ko hanggang sa huling pahina:

“Sa dulo, ano mang Rizal ang pag-usapan natin, makaka-relate tayo sa kanya. At doon tayo aangkla. Ibig sabihin, laging may katauhan ni Rizal na nasa atin.”

Sobrang logical din ng transition ng timeline. Paborito ko yung pagsasalarawan ni JCR kung pa’no tumatakbo ang utak at emosyon ni Rizal sa bawat desisyon na gagawin niya. Makaka-emphatize ka. Mailalagay mo yung sarili mo sa lugar niya na para bang kasama ka sa buong paglalakbay, hindi lang sa Europa kundi sa buong buhay niya. Maiintindihan mo kung bakit n’ya pinaglalaban ang pinaglalaban n’ya. Kaya baguhan ka man o pro na sa kasaysayan at sa buhay ni Jose Rizal, para sa’yo pa rin ang librong ito—para hindi mo na rin s’ya lagi’t laging barilin.