A review by billy_ibarra
Digmaan ng mga Alaala: Rebolusyon at Pagkakamali sa mga Talang-Gunita by Laurence Marvin Castillo

informative medium-paced

4.0

Pinaghahambing ng Digmaan ng mga Alaala ang dalawang talang-gunita---ang To Suffer Thy Comrades ni Robert Francis Garcia (Anvil Publishing, 2001) at Agaw-dilim, Agaw-liwanag ni Lualhati Milan Abreu (UP Press, 2009)---na kapwa tumatalakay sa kalunos-lunos at pinakamalaking pagkakamali ng Partido sa kanilang kasaysayan---ang kampanyang anti-impiltrasyon (Oplan Missing Link [OPML] at Oplan Kahos/Ahos) noong '80s. Parehong biktima ng kampanyang anti-impiltrasyon sina Garcia at Abreu.

Kung bakit digmaan ito ng mga alaala, pinalitaw ni Garcia sa To Suffer Thy Comrades na intrinsiko ang kalabisan sa rebolusyonaryong naratibo---na maaaring maulit ang mga kalabisang nangyari. Inihalimbawa pa niya ang killing fields ng mga Khmer Rouge sa Cambodia at ang Gulag ng Unyong Sobyet. Sa madaling sabi, pinalilitaw ni Garcia na likas sa Partido ang karahasan, na siya namang binangga ng Agaw-dilim, Agaw-liwanag ni Abreu. Sa aklat ni Abreu, bunga ng subhetibismo ng mga rebolusyonaryo ang kalabisan at hindi ito ang mukha ng kabuoan ng Partido, maging ng proyektong mapagpalaya. Binitiwan ni Garcia ang rebolusyon at nagpatuloy si Abreu, sa kabila ng kaniyang mga dinanas.

Marami ang ilag pag-usapan ang pagkakamaling ito ng Partido. Ginagamit kasi ng mga anti-rebolusyonaryo ang naratibong ito laban sa kanila---paulit-ulit hinuhukay at inihaharap ang mga bangkay sa kanilang harapan. Gaya ng paggamit ng estado sa aklat ni Garcia sa kanilang kampanya kontra-insurhensiya. Ginawa pa nga itong naratibo ng estado na nagpapatayan ang mga reboluyonaryo para i-justify ang political killings sa bansa. Nagkaroon ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto (IDKP), inamin ng Partido ang pagkakamali, nagbigay ng indemnipikasyon sa pamilya ng mga biktima sa kabila ng kanilang mga kakapusan, at patuloy na nagwawasto sa bawat pagkakamali. Mahalagang balikan ang kasaysayan kung bakit nangyari ang pagkakamali ng Partido upang mapaghanguan ng aral---ng napakalaking aral---na lason ang hindi kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan, ang subhetibismo na dahilan ng kahibangan, ang militaristang tendensiya, ang insureksiyonismo, ang pagiging padalos-dalos sa pagpapasya, ang paghihiwalay ng teorya at praktika sa isa't isa, at marami pang iba. 

Nang matapos ang aklat, napaisip ako: Kung hindi kaya nangyari ang malaking pagkakamaling ito ng Partido, nasaan na kaya ang rebolusyon ngayon? Ngunit sa huli, nangyari na ang nangyari, hindi na maibabalik pa ang mga buhay na nawala. Kailangan na lang matuto sa mga pagkakamali upang hindi na muling maulit ito.