A review by billy_ibarra
Isabela: A Novel by Kaisa Aquino

informative reflective tense medium-paced

5.0

Pinakamagandang nobelang isinulat ng isang babae na nabasa ko ngayong taon so far. Bagama't marami na ring nagsulat tungkol sa nangyayaring armadong pakikibaka sa kanayunan, iba ang atake ni Kaisa. Makikita sa kuwento ang hirap, ang ligaya, ang lungkot, ang saya, ang malaking sakripisyo ng bawat tauhan bilang ina, kapatid, anak, kasintahan, asawa, kasama, rebolusyonarya. Mas nakatuon ang nobela sa mga kontradiksiyong kinahaharap ng mga babaeng tauhan. Ano nga ba ang pakiramdam ng mga iniwang pamilya ng isang aktibistang pinili ang pinakamataas na porma ng pakikibaka? Ano ang pakiramdam ng may asawa, kasintahan, o kapatid na rebolusyonaryo? Paano ang buhay ng isang batang lumalaki na madalas malayo ang organisador na magulang? Ano ang pakiramdam na mapagbintangan kang ahente ng kaaway noong panahon ng kampanyang anti-impiltrasyon ng Partido? Kung isinusulong ang pagkakapantay-pantay, bakit may gender role pa rin, sa kabila ng pagkakatatag noon ng Malayang Kilusan ng Bagong Kababaihan (MAKIBAKA) na nagsusulong ng pantay na pagtingin sa kasarian? Bakit makatarungan ang maghimagsik? Bakit may armadong pakikibaka? At saan ang lugar ng babae sa rebolusyon? Nasasagot ang lahat ng ito ng kasaysayang isinulat ni Kaisa Aquino sa Isabela. 

Nagpapalit ng POV ang bawat kabanata at tumatalon ang kuwento mula sa hinaharap patungo sa nakaraan, o nakaraan patungo sa kasalukuyan, kaya kailangan mong taimtim na bantayan ang kuwento, lalo na ang mga tauhan. Napakaganda ng mga kabanata at napakahusay ng prosa; nariyang tumataas ang balahibo ko sa ganda ng mga pangungusap (sa mga nakakikilala sa 'kin, alam n'yong hindi ako OA). Hindi sumusunod sa nakasanayang porma ang nobela; hindi ito dere-deretso kundi non-linear, maituturing pa ngang eksperimental dahil puwede mong paghuhugutin ang kabanata pero mananatili pa rin ang kuwento. Siguradong babalikan ko itong basahin sa hinaharap (kasi siguradong tatalakayin namin ito next year, haha).

Naalala ko ang sinabi ni Clara Zetkin, isang German activist. Sabi niya, “When the men kill, it is up to us women to fight for the preservation of life.” At ito ang isa sa nakita ko sa nobela. Maaari silang maging kasamang handang umalalay, mapagmalasakit na kapatid, mapagkalingang ina. Ngunit hindi ikininukulong ni Zetkin ang kababaihan sa ganyang pahayag niya dahil naniniwala rin siya na mahalaga ang paglahok ng kababaihan sa rebolusyon para sa ipagtatagumpay nito. Basahin n'yo na lang, bili kayo kopya. Kilalanin n'yo sina Ka Julia, Ka Abel, Isang, Sabel, Sierra, Belay, Issey, Lou-Lou Isabelle, Karina, Patis, at Celine. Magsayaw sa kubling paraisong puno ng mga bulaklak, magtampisaw sa ilog, aralin ang lipunan, paglingkuran ang sambayanan, masdan ang ulap mula sa kabundukan, mulat na tanawin ang kinabukasan.

Pahabol:
Ang ganda ng pinagkunan ng pangalan ni Kaisa---pinaghalong Cagayan at Isabela. At dahil overreading ako minsan, kapag binasa mo sa Filipino ang pangalan niya, magigi itong "kaisa" (one with).