A review by billy_ibarra
Salungat at iba pang tula by Lance Romulus Dayrit

emotional medium-paced

3.0

Nahuli ako ng pagbili ng zine na ito ni Lance. 2023 pa ito inilabas ngunit nito lamang MIBF 2024 ako nakabili. Nabuo ang salin na ito bilang fundraising para sa mga Palestinong bakwit at pagbibigay ng edukasyon sa nangyayaring henosidyo ng Israel sa Palestina. Malinaw na nakasaad sa zine na "anumang kita sa publikasyon ay para lamang sa halaga ng pagpapalimbag at mapupunta sa donasyon para sa mga Palestinong bakwit (refugee) na narito sa Pilipinas." Ewan ko kung bakit hindi isinama ni Pambasang Alagad ng Sining sa Panitikan Virgilio S. Almario (VSA) ang detalyeng ito sa kaniyang rebyu ng zine na ito noong Setyembre 26, at ang reaksiyon niya'y "parang milagro na may magpagod magsálin at gumastos para maitinda ang inilibrong sálin sa MIBF." O baka nakaligtaan niya lang basahin ang copyright page?

Naglalaman ng labinlimang tula ng labing-isang makatang Palestino ang zine. Mababasa rito ang kanilang paghahangad ng pangmatagalang kapayapaan, ang pagsasa-imortal ng kanilang mga martir at alaala ng kanilang mga mahal sa buhay, ang paghahangad ng malayang bukas. Pinalalabnaw ito ng puna ni VSA sa pagsasabing "Walâng nagsasabi sa kanilá, na ayaw nilá ang lunggati ng Hamas. Na marahil kung makatang Judio naman ang magsasalitâ ay magnanais ipaghiganti ang mga biktima ng Oktubre 7, para mapayapa ang rehiyon," na tila ba parang noong Oktubre 7, 2023 lang nararanasan ng Palestina ang nilalaman ng mga tula gayong 1967 pa lang, ilegal nang inookupahan ng Israel ang Palestina. 1947 pa nga lang, nagkaroon na ng dislokasyon ang mga Palestino dahil sa Zionistang Israel. Kaya't naging kahindik-hindik ang isa pa niyang pahayag sa rebyu na "... higit na mahalaga ang pakikinig mabuti sa magkabilâng panig, pagsasaliksik sa kasaysayan, bago táyong nanonood ay makialám." Kung nagsaliksik talaga ang makata-kritiko, sana sinagot niya o nagbigay siya ng impormasyon kung bakit sinasakop ng Israel ang Palestina, o kung bakit nabuo ang Hamas. At hanggang kailan kaya tayo gustong manood lang bago makialam? Pag isang malungkot na tula na lang ang Palestina?

Kaya't mahalaga ang bawat isang tula, o saling-tula, para sa Palestina bilang pagpapalakas ng tinig ng mga Palestino upang marinig sila sa bawat panig ng mundo. Hindi magkakaroon ng kapayapaan sa pagwawasiwas lang ng oliba, lalo na kung itinatanggi ng matataas na pinuno ng Israel ang eksistensiya ng Palestina:

"There is no such thing as a Palestinian nation. There is no Palestinian history. There is no Palestinian language." - Israeli Finance Minister Bezalel Smotrich sa kaniyang speech sa Paris noong 2023

Kung anuman ang iba pang basa at mungkahi ni VSA sa nilalaman ng teksto, hindi ko na pakikialaman 'yon dahil "pananaw" niya 'yon at nasa manunulat na ng zine kung tatanggapin niya ang mungkahi o hindi. Ang alam ko lang, kagyat ang pangangailangang mailabas ang zine noong una itong ilako ni Lance no'ng bagong-bagong dating ang mga Palestinian refugee rito sa Pilipinas. Hindi ko rin hangad na ipilit kay VSA o sa iba pa ang paninindigan ng may-akda at ng marami pang naninindigan para sa Palestina. Mulat naman ang inyong mga mata, saksi tayong lahat, nasa sa inyo na lang kung mag-iiwas kayo ng tingin o mangingialam.

#FreePalestineFromTheRiverToTheSea