A review by billy_ibarra
Hurricane Season by Fernanda Melchor

dark tense medium-paced

5.0

La Matosa, isang fictional na maliit na baryo sa Mexico. Katulad lang din sa Pilipinas, naniniwala ang mga tao sa mga pamahiin, maraming alipin ng kahirapan, maraming tsismis. Mabubulabog ang lugar sa pagpatay sa kilalang mangkukulam ng baryo. Walang pangalan ang mangkukulam, basta Witch lang ang tawag sa kaniya. Walang sentral na tauhan ang nobela, iikot ito sa misteryong bumabalot sa pagpatay sa mangkukulam, sa mga sekreto ng mga taong may kinalaman dito, at sa madilim na kasaysayan ng komunidad.

Kakaiba ang istruktura ng nobela, o sabihin na nating basic lang ito sa kanila. Non-linear, third-person POV, single block o walang paragraph break, tuloy-tuloy ang mga talata, buhos ang mga salita---para ding bagyo na hindi mo alam kung kailan matatapos, kaya hindi ka puwedeng basta tumigil sa pagbabasa dahil baka mawala ka. Brutal ang pagkakasulat, walang preno, at ramdam mo ang dahas. Ilan sa tampok ang usapin ng homophobia, misogyny, femicide, drugs, poverty, sa nobela. At sadyang nangyayari ito sa kahit saang lipunan, hindi lang sa Mexico. Hanga ako kay Fernanda Melchor na hindi niya iniwasan ang ganitong mga usapin, bagkus ay naikuwento niya pa nang maayos. Ganitong mga nobela ang gusto ko, dahil ganitong mga nobela rin ang kailangan natin sa bansa natin.

Hindi lamang isang crime fiction ang "Hurricane Season", ito'y isang malalim na pag-aaral sa kalagayan ng tao---mga taong lugmok sa kawalang-pag-asa ngunit patuloy pinipiling mabuhay. Ang kakayahan ni Melchor na pukawin ang simpatya, kahit para sa mga pinakadepektibong tauhan, ay nagpapatunay ng kanyang husay bilang manunulat.